Saturday, May 21, 2016

SANAYSAY

Isinulat ni: Lorraine S. Bandala

Si Emma Watson ay isa sa mga nagpatunay na kaya rin ng kababaihan ang gumawa ng pangalan at tumayo sa kaniyang sariling mga paa upang maisakatuparan ang mga pangarap sa buhay. Simula pa lang noong pagkabata, ipinakita na ni Emma na ang pangarap ay pinagtatrabahuhan at pinaghihirapan. Sa mga kabataan ngayon, iilan na lang ang nagsisikap at nagpupursigi. Karamihan sa mga kabataan ngayon ay puro ginhawa na lang sa buhay ang iniisip. Sila’y nahihilig sa mga makamundong bagay at lagging gusting nasusunod sa kung ano ang uso. Sa tulong ng kanilang mga magulang, hindi na mahirap para sa kanila na makuha ang kanilang mga kagustuhan. Sa kabila ng naiibang takbo ng buhay ngayon, si Emma Watson ay isa sa mga magandang ihemplo sa mga kabataan. 

Bukod sa mga naabot na tagumpay, siya’y nanatiling mapagkumbaba. Siya rin ay tumutulong sa mga nangangailangan at nakikiisa sa mga programang pang kababaihan. Tunay ngang kahanga hanga si Emma dahil nagawa niyang pagsabayin ang pagaaral, pagtatrabaho, at pagkamit s kaniyang mga pangarap. Dahil rito, pinatunayan niya rin na kung gusto ay may paraan. Hindi sa lahat ng oras dapat tayong umasa sa ating mga magulang, mas mainam na matuto tayong tumayo sa sarili nating mga paa kagaya na lamang ni Emma. Dapat rin tayong maging sensitibo at tumulong sa mga nangangailangan. Gamitin natin ang ating kakayanan at katalinuhan upang mapagbuti ang kalagayan ng bawat isa. Hindi dapat maging hadlang ang ating kasarian upang makamit ang tagumpay. Babae man o lalaki, lahat tayo ay may kapasibilidad na magtagumpay at maabot ang ating mga pangarap. Bilang isang babae at parte ng makabagong panahon, ako’y gagawa rin ng mga hakbangin na magpapaunlad sa akin at sa mga tao sa aking paligid. Sisiguraduhin kong sa kabila ng mga tagumpay na aking makakamit sa hinaharap, ako’y mananatiling mapagkumbaba at matulungin.



Isinulat ni: Dennisse Allisson B. Enriquez

Si Emma Watson ay isa sa mga artista na aking itinuturing na magandang halimbawa at dapat tularan ng kabataan. Sa murang edad, si Emma ay mayroon ng mga munting pangarap at batid na niyang ang kanyang mga nais mangyari sa hinaharap. Si Emma ay isang larawan ng babaeng punong puno ng determinasyon at pangarap sa buhay, siya ay isang babae na naguumapaw sa kagandahan, katalinuhan, talento, at malasakit sa kapwa. Si Emma Watson ay isa sa mga artista na pinaghirapan ang kanyang nakakamit na katanyagan, ang lahat ng mayroon siya ngayon ay bunga ng kanyang kasipagan at kagalingan. Ipinakita rin ni Emma sa lahat na hindi naging hadlang ang kanyang pagiging artista upang makapagtapos siya sa kanyang pag-aaral, si Emma ay nakapagtapos sa Brown University ng kanyang Bachelor’s degree in English Literature noong 2014. 

Bilang isang estudyante na kumukuha ng kursong International Studies, aking masasabi na si Emma Watson ay isang magandang ehemplo sa kababaihan. Pinatunayan ni Emma na siya ay hindi lamang isang sikat na artista, siya ay isa ding normal na tao na may malasakit sa nangyayari sa mundo, siya ay isang babae na may malasakit sa kanyang kapwa babae. Si Emma ay naitalaga na UN Women Goodwill Ambassador, si Emma ay isa sa mga nagpatunay na mayroon pa ding mga artista na hindi lamang puro kagandahan, ngunit matalino rin at may puso. Bilang isang babae, sinisiguro ko na aking isasapuso lahat ng aking natututunan sa Miriam College at sa aking kurso na International Studies. Sinisiguro ko na ako ay magiging bahagi ng iba’t ibang proyekto at adbokasiya para sa kababaihan, isa ako sa tutulong sa pagsulong ng karapatan ng aking mga kapwa babae. Kahalintulad ni Emma Watson, ipinapangako ko na ako ay magiging isang magandang ehemplo hindi lamang sa mga kababaihan kundi sa lahat ng mga kabataan.



Isinulat ni: Mellecent C. Barba

Si Emma Watson ang kauna unahang babaeng aking hinangaan simula pagkabata ko pa lamang ay lagi ko na siyang inaabangan sa kanyang pelikulang Harry Potter. Ang kaniyang karakter bilang si Hermione ang naging inspirasiyon ko upang maging mas mabuting babae, isang babaeng maganda, matalino, may malakas na loob at isang babaeng kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Isang babaeng may malaking puso, isang babaeng may pagpapahalaga sa sarili, sa kanyang kapwa , pamilya ,at mga kaibigan.

Hindi lamang sa kanyang karakter bilang si Hermione ako humanga kung hindi bilang si Emma Watson mismo. Si Emma Watson para sa akin ay isang magandang halimbawa para sa mga kabataan, dahil sa kaniyang  maagang pagsabak sa mundo ng showbiz ay huminto siya sa pag aaral ngunit hindi iyon naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kanyang pag aaral. Grumaduate si Emma sa isang tanyag na unibersidad, bukod sa siya ay isang matalinong babae, si Emma ay isa ring inspirasiyon ng mga kababaihan dahil kahit bata pa lamang pinakita na ni Emma ang kanyang pagiging feminista.

Bukod sa pagiging feminista siya rin ay aktibo sa usaping pang kapaligiran, isinusulong ni Emma ang mga adbokasiyang magbibigay proteksiyon sa ating kapaligiran at mga karapatan ng bawat babae. Ang mga bagay na natutunan ko sa kanya bilang si Hermione ay lalo pa niyang pinalawak noong ipinakita niya ang kaniyang totoong sarili bilang si Emma Watson.

Bukod sa kanyang angkin galing sa pagarte at talino, hinahangaan ko rin siya sa paraan ng kanyang pananamit, ang kanyang pananamit ay sobrang elegante at pormal ngunit sa kabila ng lahat ng magagarbo niyang mga suot ay hindi parin niya nakalimutan ang kanyang mga adbokasiya.  Ang mga damit na kaniyang sinusuot ay galing sa mga lumang bagay lamang at iyon ang ginamit upang makabuo ng isang panibagong damit.

Si Emma Watson ang babaeng may paninindigan at isang salita, dahil hindi niya lamang sinasabi ang kaniyang adbokasiya kundi siya mismo ang nagsisimula ng mga hakbang upang gawin ito at impluwensiyahan ang mga tao. Hinahangaan ko siya dahil ang ating mundo ay mas nangangailangan ng mas maraming katulad niya at sana mas marami pa siyang ma impluwensiyahan sa kanyang mabubuting hangarin at sabay sabya nating pagandahin ang ating mundo.